Isang 24-anyos na lalaki ang naaresto ng pulisya sa isang buy-bust operation kaugnay ng ilegal na droga bandang 5:35 ng hapon noong Enero 29, 2026 sa Mangga Street, Purok 3, Barangay New Cabalan, Olongapo City.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang isang SLI-listed individual, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Holy Spirit Village, Barangay Sta. Rita, Olongapo City.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng Police Station 4 – Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng Tactical Intelligence Packet Control No. B-2026-007-PRO3-OCPO-PS4. Sa nasabing operasyon, nasamsam mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 1.6 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱10,880, pati ang dalawang tig-₱100 na perang ginamit bilang marked money.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 4 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.