Dalawang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang minomonitor ngayon ng PAGASA dahil sa posibilidad nitong maging tropical depression sa loob ng 24 oras.
Ayon sa ulat ng PAGASA nitong Martes ng umaga, ang unang LPA (07g) ay huling namataan sa layong 370 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan. Taglay nito ang mataas na posibilidad na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na araw.
Samantala, ang ikalawang LPA (07h) ay nasa layong 1,140 kilometro silangan ng Gitnang Luzon at may katamtamang posibilidad na lumakas bilang tropical depression.
Sa kabila nito, sinabi ni weather forecaster Obet Badrina na parehong tinatahak ng dalawang LPA ang direksyong hilaga at maliit ang tsansang mag-landfall sa alinmang bahagi ng bansa.
Kapag lumakas ang alinman sa mga ito, agad itong papangalanang "Dante", ang susunod na pangalan sa listahan ng mga bagyong papasok sa bansa ngayong taon.
Bukod dito, patuloy ring pinapalakas ng mga nasabing sistema ang habagat o southwest monsoon, na inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.
Inaasahan din ng PAGASA na posibleng tumaas ang antas ng ulan at pagtaas ng tubig-dagat sa mga baybaying-dagat sa hilagang bahagi ng Luzon.