Dalawang indibidwal na kapwa kabilang sa SLI list ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Police Station 3 – Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Barangay New Kalalake, Olongapo City noong Abril 23, 2026.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Joan,” 40 taong gulang, at “Rocel,” 35 taong gulang. Pareho silang walang asawa, walang trabaho, at residente ng Olongapo City.
Naganap ang buy-bust operation bandang alas-10:00 ng gabi sa harap ng isang bahay sa Murphy Street.
Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 3.0 gramo at may Standard Drug Price na ₱20,400.00. Narekober din ang ₱300 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon.