Offline
₱340K HALAGANG SHABU, NASAMSAM SA BARRETTO
By Administrator
Published on 17/04/2026 12:21
News

Isang High Value Individual (HVI) ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP-DEG SOU3, Olongapo Police Station 6, IMEG RO3, at PDEA RO3 sa Barangay Barretto, Olongapo City, gabi ng Abril 13 hanggang hatinggabi ng Abril 14, 2026.

 

Kinilala ang suspek sa alyas na “Lepart,” 38 taong gulang, may asawa, isang fish porter, at residente ng Sitio Bukid, Barangay Calapacuan, Subic, Zambales. Ayon sa ulat, dati na rin itong naaresto kaugnay ng paglabag sa RA 9165.

 

Pinangunahan ang operasyon ng PNP-DEG SOU3 sa pamumuno ni PLT Rex Pe Ging Awan sa ilalim ng superbisyon ni PCOL Ariel A. Capocao, katuwang ang iba pang ahensya.

 

Sa isinagawang operasyon, nasamsam mula sa suspek ang dalawang medium-sized sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 50 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na ₱340,000.00. Kabilang din sa mga narekober ang isang ₱1,000 na marked money na may kasamang boodle money na nagkakahalaga ng ₱74,000, at isang Samsung na cellphone.

 

Isinagawa ang marking at inventory ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga kinatawan mula sa media at isang halal na opisyal.

 

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay isasailalim sa pagsusuri ng Olongapo City Forensic Unit, habang ang suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng Olongapo Police Station 6.

Comments

Chat Online