Dalawang lalaki ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) katuwang ang Police Station 4 – Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Barangay Old Cabalan, Olongapo City noong madaling araw ng Abril 3, 2026.
Kinilala ang mga suspek bilang isang 24-anyos na lalaki na kabilang sa SLI list at isa pang 24-anyos na newly identified drug personality na kilala sa alyas na “Ricky Boy.”
Naganap ang buy-bust operation bandang alas-5:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Riverside Benneth Road.
Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na piraso ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 6 gramo at may Standard Drug Price na ₱40,800.00.
Bukod dito, narekober din ang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money at karagdagang ₱500 cash.
Dinala ang dalawang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng CPDEU para sa kaukulang disposisyon.