Isang lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI) sa regional level ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Barangay New Cabalan, Olongapo City noong madaling araw ng Marso 28, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Norly,” 35 taong gulang, walang asawa, walang trabaho, at residente ng 12 Street, Barangay New Kalalake, Olongapo City.
Ayon sa ulat, isinagawa ng Police Station 4 – Station Police Drug Enforcement Unit (PS4-SPDEU) ang buy-bust operation sa kahabaan ng Tagumpay Street, Purok 4, bandang 5:30 ng umaga.
Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 1.8 gramo at may Standard Drug Price na ₱12,240.00. Narekober din ang dalawang tig-₱100 na ginamit bilang marked money.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 4 para sa kaukulang disposisyon.