Isang High Value Individual (HVI) na itinuturong lider ng Ramirez Criminal Group ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Barangay East Bajac-Bajac, Olongapo City, madaling-araw ng Marso 28, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang isang 57-anyos na lalaki, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Elicaño Street sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, pinangunahan ng Police Station 1 katuwang ang City Intelligence Unit ang buy-bust operation sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-012-PRO3-OCPO-PS1.
Sa operasyon, matagumpay na nakabili ang poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.46 gramo gamit ang ₱200 buy-bust money. Matapos ang transaksyon, agad inaresto ang suspek at isinailalim sa body search.
Dito pa nadiskubre ang dalawa pang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu. Sa kabuuan, umabot sa 1.48 gramo ang nakumpiskang ilegal na droga na may tinatayang Standard Drug Price na ₱10,064.00.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at ang mga nasamsam na ebidensya sa Police Station 1para sa kaukulang disposisyon.