Dalawang indibidwal ang nadakip sa isinagawang anti-illegal drug operation ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) katuwang ang Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 2 sa Barangay West Tapinac, Olongapo City.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) control number B-2026-006-PRO3-OCPO-CDEU at nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 24-anyos na lalaki na bagong tukoy na drug personality na residente ng Barangay New Kalalake, at isang 38-anyos na SLI listed na indibidwal na residente ng Barangay New Banicain. Kapwa sila walang asawa at walang trabaho.
Sa buy-bust operation na isinagawa sa kahabaan ng Basa Street kanto ng 11th Street, nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 6 gramo at may Standard Drug Price na ₱40,800.00. Narekober din ang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money.
Naganap ang operasyon bandang 3:10 ng madaling-araw noong Marso 6, 2026. Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng CPDEU para sa kaukulang disposisyon.