Isang buy-bust operation ang ikinasa sa Barangay New Kalalake, Olongapo City na nagresulta sa pagbuwag ng isang hinihinalang drug den at pagkakaaresto ng anim na indibidwal.
Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Regional Office 3 – Zambales Provincial Office, sa pakikipag-ugnayan sa Police Station 3 ng Olongapo City Police Office at City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU).
Isinagawa ang operasyon bandang 11:17 ng gabi noong Pebrero 13, 2026.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang bigat na 8 gramo at halagang Php28,000.00. Narekober din ang marked money na Php500.00, ilang drug paraphernalia, at isang cellular phone.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 31-anyos na umano’y empleyado ng drug den, isang 52-anyos na laborer, isang 36-anyos na walang trabaho, isang 46-anyos na HR officer, isang 31-anyos na construction worker, at isang 60-anyos na vendor.
Samantala, ang hinihinalang drug den maintainer ay nananatiling at-large.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 13, 14, at 15 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat, ligtas at kumpleto ang lahat ng operatiba na lumahok sa operasyon.