Offline
₱2.2M HALAGA NG ILLEGAL NA DROGA NASAMSAM KASABAY NG MGA BARIL AT GRANADA SA EAST BAJAC BAJAC
By Administrator
Published on 10/01/2026 18:06
News

Isang lalaki ang naaresto matapos ipatupad ng pulisya ang Search Warrant No. 2026-01 kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 sa Katipunan Street, Barangay East Bajac-Bajac, Olongapo City noong gabi ng Enero 8 hanggang madaling-araw ng Enero 9, 2026.

 

Pinangunahan ng RSOG3-RID, katuwang ang Police Station 1 ng Olongapo City Police Office, ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng iba’t ibang uri ng baril, bala, at isang fragmentation hand grenade. Kabilang sa narekober ang mga .45 caliber at 9mm na pistola, mga magasin na may kargang bala, at iba pang live ammunition.

 

Nasamsam din sa operasyon ang hinihinalang ilegal na droga, kabilang ang humigit-kumulang 305 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na ₱2,079,440, at 113 gramo ng kush marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱169,500. Narekober rin ang mga drug paraphernalia tulad ng tooter, timbangan, aluminum foil na may residue, at iba pang kaugnay na gamit.

 

Dinala ang suspek at lahat ng nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng RSOG3 para sa wastong disposisyon. 

 

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9516, at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa nasabing indibidwal.

Comments

Chat Online