Nagbigay ng babala ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na sakay ng 44-metrong patrol vessel na BRP Suluan sa CCG 3103 na namataan sa layong 65 nautical miles mula sa dalampasigan ng San Antonio, Zambales.
Patuloy ang presensya ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea, partikular sa mga baybayin ng Zambales, kung saan pinalitan ng isang bagong patrol ship ang isa pang barko at ang kanilang "monster ship" ay nasa halos 20 nautical miles mula sa Panatag o Scarborough Shoal, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela.
Ayon sa PCG, sinagot ng BRP Suluan ang presensya ng mga barkong CCG sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga "radio challenges," na nagpapaalala sa paglabag sa Republic Act No. 12064 (Philippine Maritime Zones Act), United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 arbitral ruling na nagpapatibay sa karapatan ng Pilipinas sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ).
Noong Enero 21, nadetect ang tatlong barko ng CCG sa West Philippine Sea: ang "monster ship" 165-metrong CCG 5901 na nasa 19 nautical miles mula sa Panatag Shoal (Bajo de Masinloc), ang CCG 3304 na papalapit sa shoal mula sa 28 nautical miles, at ang CCG 3103 na nasa 76 nautical miles mula sa baybayin ng Pundaquit, Zambales.
Sinabi ni Tarriela na patuloy na imo-monitor ng PCG ang kilos ng mga barkong CCG sa West Philippine Sea.
Idiniin niya, "The Philippine Coast Guard remains steadfast in its commitment to safeguarding the country’s maritime interests and upholding international law without escalating tensions."
Naging sentro ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ang Panatag Shoal, na siyang tradisyunal na lugar ng pangisdaan ng mga Pilipino.
Matatandaang noong 2012, nagkaroon ng standoff na nagtulak sa Pilipinas na magsampa ng kaso laban sa Tsina sa Permanent Court of Arbitration, na nagresulta sa mahalagang 2016 arbitral ruling.