Inaresto ang aktres at negosyanteng si Neri Naig dahil sa umano’y estafa at paglabag sa Securities Regulation Code, ayon sa kumpirmasyon ng isang jail officer nitong Miyerkules.
Sinabi ni J/Supt. Jundelina Jagunap, warden ng Pasay City Jail Female Dormitory, na isang “Nerizza Miranda” ang inilipat sa kanilang pasilidad bandang alas-12:02 ng tanghali. Nauna nang sinabi ng Southern Police District (SPD) na inaresto ang 41-anyos na aktres at negosyante, na tinawag nilang alias "Erin," sa isang convention center sa isang mall sa Pasay City noong Sabado, Nobyembre 23, 2024.
Ayon sa SPD, siya ang ika-7 most wanted person sa kanilang estasyon dahil sa 14 na bilang ng paglabag sa Securities Regulation Code.
Ang warrant of arrest ay inilabas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 111 noong Setyembre 18, 2024, at Oktubre 16, 2024.
Inirekomenda ang piyansa na P126,000 para sa bawat bilang ng securities violation.
Bukod dito, nahaharap din ang aktres sa isang hiwalay na kaso ng estafa sa RTC Branch 112.
May inilabas nang commitment order laban sa kanya, at walang inirekomendang piyansa para sa kasong ito.