Nahuli na ng pulisya ang pitong suspek, kabilang ang mastermind at gunman, sa pag-paslang sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu.
Matatandaang tinambangan ng riding-in-tandem ang mag-asawa noong ika-4 ng Oktubre 2024 sa Barangay Sto. Rosario sa Mexico, Pampanga.
Iniharap sa media nitong Oktubre 15, 2024 ang mga suspek na sina Arnel Buan, Robert Dimaliwat, Arnold Taylan, Rolando Cruz, Sancho Nieto, Jomie Rabandaban, at Anthony Limon, ng direktor ng Police Regional Office 3 na si PBrig. Gen. Redrico A. Maranan sa PRO3 Patrol Hall, Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Isinagawa ang magkakasunod na operasyon noong Oktubre 13 at 14 ng mga operatiba ng Mexico Municipal Police Station, Pampanga Provincial Intelligence Unit (PIU), Regional Mobile Force Battalion (RMFB), at 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies (PMFC).
Nauna nang nahuli si Taylan na siyang gunman at si Buan (lookout) sa Nueva Ecija noong Lunes. Dahil sa pagkakadakip sa dalawa, nadakip din sina Cruz, Dimaliwat, Rabandaban, Nieto at Limon, na itinuturong mastermind sa krimen.
Ayon kay Maranan, si Limon, na isa ring online seller, ay may utang na P13 milyon sa mag-asawang Lulu, at ito ang nakikitang motibo sa krimen. Nasamsam ng pulisya mula sa mga suspek ang siyam na baril, kabilang ang limang .45 caliber pistol, tatlong 9mm caliber pistol, isang airgu, at isang .22 caliber rifle.
"Lumalabas ay itong sinasabi alleged na mastermind na sinasabing online Seller ay sinasabing may malaking pagkakautang dito sa mag-asawang online seller. So yun yung direksyon na lumabas sa investigation ng Pampanga PPO (JC) we have to commend the efforts ng Pampanga PPO for solving this case including yung pagkakaidentify ng mastermind at they have in their custody yung mga suspects and mastermind," sabi ni PBGen Jean Fajardo, Spokesperon ng PNP.