Offline
LPA GANAP NANG TROPICAL DEPRESSION, PINANGALANANG JULIAN
News
Published on 27/09/2024

Naging isang Tropical Depression na ang minomonitor na Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng Batanes at ito’y pinangalanang Julian. Inaasahan itong magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon ngayong Biyernes, ayon sa ulat ng PAGASA.

Huling namataan ang sentro ni TD Julian sa layong 535 kilometers silangan ng Itbayat, Batanes na may lakas ng hangin na 55 kilometers kada oras malapit sa gitna, at bugso ng hangin na umaabot sa 70 kph. Kumikilos ito sa timog-kanlurang direksyon sa bilis na 15 kph.

Binabantayan din ng PAGASA ang isa pang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Sa ulat ng PAGASA ganap na ika-3:00 ng madaling araw nitong September 27, tinatayang nasa 2,600 kilometers silangan ito ng Central Luzon, at may lakas ng hangin na 55 kph, bugsong umaabot sa 70 kph, at kumikilos pa-hilaga, hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat at pagkulog dahil sa mga localized thunderstorms, at posible ang flash floods o landslides sa mga malalakas na thunderstorms.

Ayon sa PAGASA, posibleng magtagal hanggang sa susunod na linggo ang Tropical Depression #JulianPH, at sa ngayon ay hindi ito inaasahang magla-landfall sa bansa.

Chat Online