Ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang optimismo na bababa pa ang presyo ng bigas sa bansa dahil sa mga kasalukuyang trend sa Southeast Asia.
Ayon sa Malacañang, ginawa ni PBBM ang pahayag sa isang sectoral meeting ukol sa pamamahala ng inflation sa pagkain at mga non-food items nitong Martes, Setyembre 24, 2024.
“Doon sa rice mukha namang sumusunod dun sa projections natin sa rice prices (In terms of rice, it looks like it's within our projections on rice prices). And it seems to be consistent again with the same experience of other ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) countries like Thailand and Vietnam,” ani Marcos.
“So, I think as the time goes on, that should improve,” dagdag pa niya.
Bigas ang pangunahing sanhi ng pagtaas ng inflation, na nag-ambag ng 1.3 percentage points sa kabuuang inflation. Nanatili itong mababa sa 14.7 percent, ngunit nanatiling mataas ang mga presyo.
Sa Vietnam at Thailand, bumaba ang presyo ng bigas noong nakaraang buwan, base sa datos noong Setyembre na nagpapakita ng pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bumaba ng 15 percent (nasa P7 kada kilo) ang landed cost ng inangkat na bigas nitong kalagitnaan ng Setyembre, kasunod ng pagpapatupad ng mababang taripa sa ilalim ng Executive Order No. 62, s. 2024.
Ayon sa Pangulo, kailangan din ng bansa na umangkat ng asukal upang masiguro ang sapat na suplay at mapatatag ang presyo nito. Ang retail price ng refined sugar ay nananatiling mataas sa 35 percent, mas mataas kumpara sa antas nito noong January 2022, bago sumirit ang mga presyo.
Bumaba naman ang kabuuang inflation mula 4.4 percent noong July 2024 tungong 3.3 percent noong August 2024, dulot ng mas mabagal na inflation sa pagkain at non-food items, kung saan ang bigas ang pangunahing salik sa pagtaas ng inflation.