Hindi pa nakalalabas ng bansa si Harry Roque, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, Setyembre 18, habang pinaigting ang manhunt laban sa dating presidential spokesman kasunod ng arrest order na inilabas ng quad committee ng House of Representatives.
Pinaigting na ng mga tracker teams na pinamumunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang operasyon laban kay Roque, na tumangging sumunod sa kautusan ng House quad committee.
Sa kabila nito ay patuloy na binabatikos ni Roque ang arrest order ng House sa social media platform na Facebook.
Hinikayat ni Fajardo si Roque na muling pag-isipan ang kanyang desisyong umiwas sa pag-aresto.
Matatandaang naiugnay si Roque sa operasyon ng isang offshore gaming hub sa Porac, Pampanga — na sinalakay noong nakaraang taon dahil sa ilegal na mga aktibidad.
Minsan nang na-detain ang dating presidential spokesperson matapos mabigong dumalo dahil sa hindi tugmang iskedyul, sa isang pagdinig ng House Quad Committee, na silang nag-iimbestiga sa mga isyung may kaugnayan sa administrasyong Duterte.
Mula noo’y tinawag ni Roque ang sarili bilang isang "political detainee," na inakusahan ang kasalukuyang administrasyon ng pag-target sa kanya dahil sa kanyang hayagang suporta sa mga Duterte, na dating bahagi ng ruling coalition.
Sinabi ni Surigao del Sur 2nd District Representative Johnny Pimentel sa local news agency na ANC, bigong matunton ng House Sergeant-at-Arms at PNP si Roque, matapos siyang hanapin ng tatlong araw upang ibigay ang detention order mula sa mababang kapulungan.
Ani Pimentel, “Since Friday, he’s been in hiding. We now consider him a fugitive.”