Offline
SCAM TEXTS, CALLS LUMOBO NG 200% SA KABILA NG SIM CARD REGISTRATION ACT
News
Published on 12/09/2024

Lumago ng 200% ang mga scam calls at texts sa Pilipinas sa unang walong buwan ng 2024, batay sa ulat ng isang mobile app mula sa Taiwan.

Batay sa report, mula January 1 hanggang August 15, naitala ng Whoscall's community reporting program ang mahigit tatlong milyong scam texts at 320,000 scam calls. Milyon-milyon ding spam na text at tawag ang naiulat.

Ayon sa developer ng app na Gogolook, ang mga pinaka-karaniwang uri ng scam na nararanasan ng mga user ay natukoy. Ang lima sa mga ito ay kinabibilangan ng phishing scams, na bumubuo ng 25% ng kabuuan ng iniulat na kaso.

Sumunod dito ang mga scam na pekeng gift card at promotion na may 18%, at mga scam na hinihikayat ang mga user na mag-download ng app mula sa hindi awtorisadong sources (17%). Iniulat naman ang scam kaugnay ng trabaho, pautang, at investments na umabot sa 15%, habang ang mga scam na may kinalaman sa pagbili ng tech gadgets ay bumuo ng nalalabing 14%.

Ayon sa isang ginanap na news forum sa Manila Bay, sinabi ni Mel Migrino, kinatawan ng Gogolook sa Pilipinas, na alam ng mga scammer kung paano i-profile ang kanilang mga target.

"Meron na silang idea, halimbawa, ikaw ay maaaring target para sa investment scam, o para sa loan scam," ayon kay Migrino.

“Habang nagri-ring ang phone mo, sasabihin niya sa’yo, ah, ito bank ito," ani Migrino. "Ito outright sinabi niya sa 'yo, scammer 'yan."

Ang ulat na ito ay lumabas halos dalawang taon matapos maisabatas ang SIM Card Registration Act noong Oktubre 2022.

Ang nasabing batas ay naglalayong labanan ang disinformation, anonymous online defamation, trolling, at libelo, kasama ang pagpigil sa terorismo, text scam, at bank fraud.

Comments

Chat Online