Dalawang bagyo ang inaasahang papasok sa bansa sa susunod na dalawang linggo.
Namamataan ang unang namumuong bagyo sa hilagang bahagi ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at ang ikalawa naman ay nasa hilagang silangang bahagi, ayon kay Benison Estareja ng PAGASA.
Tatawaging Ferdie ang unang nagbabadya na pumasok sa bansa, at ang ikalawang bagyo naman ay tatawaging Gener oras na pumasok sa PAR.
Patuloy naman ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa kasalukuyan bunsod ng Enhanced Southwest Monsoon (Habagat).
Batay sa 11 A.M. advisory ng PAGASA nitong September 6, nakataas pa rin sa Orange Warning Level ang Zambales at Bataan.
Pinag-iingat pa rin ang mga residente sa nasabing lugar.