Offline
KASO NG MPOX SA PILIPINAS, NADAGDAGAN PA
News
Published on 27/08/2024

Dalawang kaso ng mpox ang muling naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa, at taglay ng mga ito ang mahinang uri ng mpox na kung tawagin ay Clade II.

Ito na ang ika-11 at 12 na mpox cases sa bansa mula nang maitala ang unang kaso noong 2022.

Ayon sa DOH, ang pang-11 na kaso ng mpox ay isang 37 taong gulang na lalaki mula sa National Capital Region (NCR), na unang nakaranas ng sintomas noong ika-20 ng Agosto, tulad ng pagkakaroon ng rashes sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Isang kapansin-pansing pantal ang unang nakita sa kanyang mukha, dibdib, braso, palad at talampakan. Ayon sa DOH, walang naging exposure ang case 11 sa ibang taong may kaparehong sintomas, ngunit inaming nagkaroon ng close, intimate, at skin-to-skin contact sa loob ng 21 days bago nakaranas ng mga sintomas.

Dinala sa government hospital ang pasyente ng mpox noong ika-22 ng Agosto, kung saan kinuhanan siya ng skin sample at idinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Samantala, ang ika-12 kaso naman ay isang lalaking 32-year-old na taga-Metro Manila rin. Nakaramdam naman ito ng sintomas na pagtubo ng mga butlig sa kanyang pribadong parte ng katawan simula noong ika-14 ng Agosto, at saka sinundan ng lagnat. Inamin ng pasyenteng nagkaroon siya ng skin-to-skin contact sa isang sexual partner.

Nagpa-check up ang nasabing pasyente sa isang clinic at sinabi sa kanya na mayroon siyang bacterial infection. Ngunit nabahala ito nang sa mga sumunod na araw ay nagkaroon na siya ng sugat sa mukha, noo, at anit.

Inabisuhan ang pasyente na magpa-konsulta sa isang DOH hospital kung saan isang skin sample ang nakuha noong ika-23 ng Agosto. Inabisuhan din itong na magsagawa muna ng home isolation habang hinihintay ang resulta.

 

Comments

Chat Online