Tila hindi dumaan sa pagka-tigang ang kagubatan ng isang bundok sa Zambales matapos itong muling buhayin ng Aeta communities sa mga Sitio ng Yangil at Banawen, parte ng Barangay Maloma, San Felipe, Zambales.
Makikita sa Facebook post ni Raf Dionisio, environmental entrepreneur at co-founder ng MAD (Make A Difference) Travel, ang malaking pagkakaiba ng litrato ng nasabing bundok noong taong 2017, kung saan ito ay tuyot at tila walang puno, at ang bagong imahe sa kasalukuyang taon kung saan kulay luntian na ito dahil sa kapal ng punong nakatanim.
“Maraming salamat sa katutubong Aeta ng Yangil at Banawen na kakampi namin para ibalik ang kalikasan sa kanilang lupaing ninuno. Salamat sa tulong niyo para mabuo ang kabuhayan na galing sa gubat, kung saan pwedeng yumaman ang tao sa pag-alaga ng kalikasan," saad niya.
Tinatayang nasa 62k umano ang naitanim dito, na siyang malaking tulong sa pagbuo ng kabuhayang nagmumula sa gubat, at siyang maaaring magpa-usbong sa mga taong nakatira sa lugar.
Ilan sa mga agroforestry products na maaaring maging source of income ng komunidad ay ang kasuy, pulot-pukyutan o honey, kalamansi, at tsaa.
Ayon kay Dionisio, ang ilan sa mga forest trees na naitanim sa lugar ay Kupang, Narra, Yakal, Tibig, Palosapis, at Lauan. Samantla, ang agroforestry naman ay kalamansi, kawayan, langka, kasuy, at sampaloc. Kabilang din dito ang madre Madre de cacao na siyang ginagamit pang-siga ng mga nakatira sa komunidad.
Hindi pa raw dito natatapos ang kanilang misyon. Kasama sa kanilang 20-year plan ang muling pagbuhay sa 4,000 hectares na kagubatan kung saan naninirahan ang Aeta communities. Ilan sa masugid na taga-suporta nito ang Environmental advocate na si Nadine Lustre, na palagi ring bumibisita sa lugar.
Maaaring makatulong ang kahit na sino upang mapabilis ang pagtatanim ng maraming puno, sa pamamagitan ng pagbili ng P300 halaga ng tree seedling sa MAD Travel na sila na rin ang magtatanim.